Kamustahan sa Kapitbahayan
Simple lang ang aming pamumuhay. At simple lang din ang nagpapasaya sa amin.
Isa na dito ang Kamustahan na ginagawa ng ilang kasamahan namin sa parokya bilang bahagi ng Basic Ecclesial Community at Urban Poor Ministry. Sa mga ganitong pagkakataon, nakikisalamuha sila sa amin. Pumapasok sila sa aming mga bahay at nakikiisa sa aming mga munting kasiyahan.
Nagsisimula kami sa opening prayer tapos nagkakamustahan sa mga bagay-bagay sa aming mga buhay. Walang paghuhusga ang nangyayari dito. Marami sa mga kinakamusta ay hindi nagsisimba. Meron ding ilan sa kanila na nagsasama kahit hindi kasal. Pero pagdating ng “sharing,” nagkakaisa kami sa masayang usapan.
Madalas naman, hindi mo kailangan magtanong o mag-urirat. Madalas, sapat na ang simpleng pakikinig sa isa’t isa. Kung merong magbibigay ng opinyon, laging bukas ang isip at kalooban na makinig ng walang pamumuna o paghusga. At siguro ay natutuwa naman sila sa aming ginagawang mga Kamustahan. Yan ay dahil pagkatapos ng aming closing prayer, laging nandoon ang mainit na paanyaya na kami’y bumalik muli sa kanilang munting tahanan at simpleng mga buhay.